Simultaneous anti-criminality operations ng pulisya, pinalawak na; mga tambay sa kalye pinagdadampot na – NRCPO

Mas pinasigla na ng pulisya sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila ang simultaneous anti-criminality police operations at ang implementasyon ng city ordinances.

Alinsunod ito sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na isama na rin ang pagdampot o pag-aresto sa mga taong tambay na pakalat-kalat lang sa kalye at walang ginagawa.

Base sa report ng National Capital Region Police Office, sa Pasig City, mula kagabi hanggang kaninang madaling araw, 133 katao ang hinuli dahil sa paninigarilyo sa pampublikong lugar, 16 ang nakahubad pang-itaas, limang menor de edad ang ni-rescue at tatlo ang umiihi sa pampublikong lugar.

Pinagdadampot din ang 14 katao dahil sa pag-inom ng alak sa pampublikong lugar.

Sa Mandaluyong City, 14 katao ang dinampot dahil sa pag-iinom ng alak sa mga pampublikong lugar, 12 ang nakahubad pang-itaas, isa sa anti-smoking, 10 ang riding in tandem, at 5 menor de edad na inabutan ng curfew.

Marami ding nahuli sa anti-criminality campaign ang Marikina Police, San Juan, Las PiƱas at Manila.

Lahat naman ng mga pinagdadampot ng pulisya ay pinakawalan din matapos pangaralan at bigyan ng warning maliban sa ilang katao na may mga records sa pulisya. | ulat ni Rey Ferrer