Simpleng vaccine manual para sa mga LGU, inapela

Umapela si Albay Representative Joey Salceda sa Department of Health (DOH) na bumuo ng pinasimpleng “vaccine manual” para sa mga local government units (LGUs).

Ito ay upang magkaroon ng gabay ang mga LGU sa pagpapabakuna at hindi na maulit ang kalituhan at kaguluhan kamakailan sa mga vaccination sites.

Dapat aniya’y nakalatag sa vaccine manual ang mga pwede at hindi pwedeng gawin sa bakunahan, gayundin ang vaccination process, at mga tips kung paano mapapabilis ang pagbabakuna.

Inihalimbawa ng kongresista ang registration sa pagbabakuna na hindi na dapat inuulit pa sa mismong site kung mayroon na sanang pre-registration.

Babala ng kongresista, kung hindi maisasaayos ang maayos na komunikasyon at polisiya sa pagbabakuna ay maaari itong makaapekto sa pagkamit agad ng herd immunity at magpabagal sa vaccination drive ng pamahalaan.