Side effects, sanhi ng takot ng Pinoy na magpabakuna — DOH

Takot sa side effects ang mga Pinoy.

Ito ang resulta ng survey ng Department of Health (DOH) hinggil sa nangungunang dahilan ng mga Pilipino, kung bakit malaki ang alinlangan na magpabakuna laban sa COVID-19.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nasa 43,000 indibidwal mula sa A1 to A3 priority groups ang isinailalim nila sa online survey.

Ang ikalawang dahilan, ay ang mga negatibong impormasyon na kumakalat sa iba’t ibang social media platforms laban sa bakuna, at ikatlo ay ang pagdududa sa pagiging epektibo ng mga bakuna.

Pero ipinaliwanag ni Vergeire, na mas mababa pa sa 1 percent sa mga nabakunahan ang nag-ulat na nakaranas sila ng seryosong side effects, habang nasa 1.10 percent ang nakaranas ng minor side effects.

Sinabi niya, na mas pinalalakas nila ngayon ang ‘vaccine education’, para mas maunawaan ng publiko ang kalidad ng mga bakuna na ibinibigay ng pamahalaan.