Shifting of forces ng Western Mindanao Command, ipapatupad kasunod ng direktiba ng Pangulo na pulbusin ang Abu Sayyaf at BIFF

Magpapatupad ng “shifting of forces” ang Western Mindanao Command kasunod ng utos ng Pangulo sa militar na pulbusin ang Abu Sayyaf at BIFF.

Ito ang sinabi ni Western Mindanao Command (Wesmincom) Spokesperson Ltc. Gerry Besana, kasabay ng pagtiyak na sapat ang kanilang pwersa para ipatupad ang pinakahuling direktiba ng Pangulo.

Ayon kay Besana, normal routine lamang sa militar ang tinatawag na “shifting of forces” lalo na kung may panibagong operasyon na tututukan.

Sinabi ni Besana, dalawang Philippine Army Brigade ang naka-station sa probinsiya ng Sulu kung saan nakatutok sa pagtugis sa nasa mahigit 100 pwersa ng teroristang Abu Sayyaf sa pamumuno ni Hatib Sawadjaan.

Bukod sa dalawang army brigade may mga tropa pa mula sa Marine Forces.

Habang sa probinsiya ng Basilan isang army brigade ang naka-deploy, ibig sabihin hindi na kailangan pang dagdagan ang pwersa sa mga nasabing probinsiya.

Sa ngayon, naka pokus ang Western Mindanao Command sa Maguindanao kung saan target dito ang mga teroristang BIFF. | ulat ni Leo Sarne