Session days ng Senado, ipinapanukala ni SP Sotto na gawin hanggang Huwebes

Magkakaroon ng caucus ang mga senador sa Lunes upang talakayin ang panukala ni Senate President Vicente Sotto III na gawing hanggang Huwebes ang kanilang mga sesyon. 

Sa kasalukuyang rules kasi, hanggang Miyerkules lang nagkakaroon ng sesyon sa plenaryo ang Senado. 

Ayon kay Sotto, ito ay upang magkaroon ng mahabang panahon sa pagtalakay ng mga priority bills gaya ng Public Service Act, Retail Trade Act, Department of Overseas Filipinos (DOFil), at iba pa. 

Nagpahayag naman ng suporta sa naturang mungkahi ang mga senador.  Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, masyadong maiksi ang nine session days upang matapos ang lahat ng mga nakalatag sa kanilang priority measures. 

Sinabi naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na noong 1990s ay hanggang Huwebes rin ang session days ng Senado. 

Nagpahayag rin ng pagsang-ayon sa panukalang ito sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Senador Panfilo Lacson, Senador Sonny Angara, Senador Francis Pangilinan, Senador Grace Poe, at Senador Imee Marcos. 

Ngayong May 17 muling magbabalik sesyon ang Kongreso at muling sasailalim sa sine die adjournment simula June 5 bago ang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.