Seniors, PWDs, may comorbidity, dapat payagan nang mag-walk-in sa vaccination sites — Rep. Ordanes

Umapela si Senior Citizen Party-list Representative Rodolfo Ordanes na payagan ang walk-in vaccination para sa mga senior citizen, Person With Disability (PWD), at may comorbidity.

Ayon sa kinatawan, karamihan sa mga kabilang sa vulnerable group ay hindi “techie” o kaya’y walang access sa internet kaya’t hirap sa online registration.

Ito aniya marahil ang isa sa maraming dahilan kung bakit lagpas sa isang milyong senior citizens pa ang hanggang ngayon ay hindi pa rin nababakunahan ng kahit man lang first dose.

Dagdag pa nito na bagamt may ilang LGU ang pinapayagan ang walk-ins, marami pa rin ang pinipilit ang sistema ng pagpaparehistro para makakuha ng schedule ng vaccination.

Dahil dito ay nawawalan na ng gana ang senior o PWD bago pa matanggap ang schedule para mabakunahan.