Senior citizens at menor de edad, papayagang bumisita sa mga sementeryo sa Muntinlupa bago mag-Undas

Naglabas ng kautusan si Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi na nagpapahintulot sa senior citizens at menor de edad na magtungo nang maaga sa mga sementeryo bago ang paggunita sa Undas.

Batay sa bagong executive order, lahat ng residente ay papayagang bumisita sa pampubliko at pribadong sementeryo kabilang na ang 60-years old pataas at 17-years old pababa ngunit mahigpit na ipatutupad ang isang metrong social distancing rule at lilimitahan ang haba ng oras ng pagdalaw.

Nakasaad dito na dapat hikayatin ng pamunuan ng mga himlayan ang publiko na bumisita na nang maaga sa puntod ng mga yumao hanggang sa October 28, tiyaking limitado sa 30 percent ang maximum capacity at lahat ay nakasuot ng face mask at face shield.

Makikipag-ugnayan din sila sa Muntinlupa City Police, Public Order and Safety Office, at Traffic Management Bureau para masiguro ang compliance sa kautusan.

Pagsapit ng October 29 hanggang November 4 ay sarado na ang mga sementeryo at kolumbaryo.

Dagdag pa ni Fresnedi, ipagpapatuloy ng Community Affairs Development Office ang crematorium at burial services sa closure period.

Bago at pagkatapos ng pagsasara, ipatutupad ng CADO sa Putatan Cemetery ang visitation at burial services mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon habang ang cremation hours ay mula alas-7 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi.