Senior citizens at may sakit sa Manila, pinatutulungan sa brgy. officials sa pagrehistro sa vaccination program

Ipinag-utos ngayon ng Pamahalaang Lungsod ng Manila sa mga opisyal ng barangay, na tulungan ang mga nakatatanda at mga may sakit na makapagparehistro sa COVID-19 vaccination program ng lungsod.

Sa nilagdaang memorandum ni Manila Barangay Bureau (MBB), Director Romeo Bagay, inobliga ang lahat ng opisyal at mga kawani ng barangay sa 896 na barangay sa lungsod, na tulungan ang nasabing sektor dahil sa kawalan ng kaalamang teknikal o gadgets.

Nakatanggap ng report ang Barangay Bureau, na may senior citizens at persons with comorbidities ang napagkakaitan ng bakuna dahil hindi sila nakapagparehistro.

Dahil dito, inabisuhan ang lahat ng punong barangay na palakasin ang kanilang Barangay Council at SK Council, upang makatulong sa registration ng sektor ng senior citizen at mga may sakit upang makapagpabakuna.