Senator Marcos, isinusulong na amyemdahan ang partylist system

Imbes na tuluyang ibasura, isinusulong ni Senator Imee Marcos na magkaroon ng pagbabago sa partylist system sa bansa.

Ito ay upang hindi na ito maabuso at magamit sa korapsyon.

Ayon kay Marcos, chairperson ng Senate Committee on Electoral Reforms, mahalagang mapanatili at patatagin ang partylist system upang magkaroon ng representasyon sa kongreso ang mga marginalized group sa bansa.

Kailangan lang aniyang klaruhin ang mga  probisyon ng batas, partikular sa pagsisigurong ang mga lehitimong underrepresented groups ang makakapasok sa kongreso.

Tiniyak ng senator, na kinokonsidera at pinag-aaralan nilang mabuti ang lahat ng suhestiyon tungkol sa pagsasaayos ng partylist system.

Kabilang na diyan ang patunayan ng mga partylist group, na naitatag ang kanilang grupo ng hindi bababa sa tatlong taon at aktibong miyembro ang mga nominee ng kanilang grupo.

Matatandaang ilang beses na nakatanggap ng batikos ang partylist system sa bansa, at kabilang nga sa mga puna ay nagagamit umano ito para sa political dynasty.