Senator Gatchalian, isinusulong ang pagbuwag sa rice import quotas upang maging abot-kaya ang presyo ng bigas sa merkado

Nais ni Senador Win Gatchalian na matanggal na ang paghihigpit sa bilang ng maaring aangkating bigas at sa halip ay palitan ito ng pangongolekta ng 35 porsyentong taripa upang maging abot-kaya para sa lahat ang naturang pagkaing-butil sa bansa.

Ang panukala ni Gatchalian ay nakapaloob sa kanyang inihaing Senate Bill No. 1839 na tuwirang nag-aamyenda sa ilang probisyon ng Republic Act No.8178 o ang Agricultural Tariffication Act.

Sa panukala, sa halip na patuloy na maghigpit sa bilang ng bigas na maaaring bilhin mula sa ibayong dagat, hahayaan na ang mga negosyante na mag-import ng bigas basta sila’y handang magbayad ng taripa o buwis sa gobyerno.

Ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, ang kanyang panukalang hakbangin ay naaayon sa commitment ng Pilipinas sa World Trade Organization (WTO) Agreement on Agriculture.

Sa pagtaya ng senador, sa ilalim ng 35 percent rice tariff, ang presyo ng bigas ay bababa mula P44 sa P36 kada kilo kaya’t tinatayang makatitipid ng P3,600 ang isang pamilya na may konsumo ng hanggang 450 kilo ng bigas bawat taon. | ulat ni Jojo Ismael