Senate resolution na layong gawing parehong ebidensya sa korte ang K9 detection at swabbing ng drug samples, welcome sa PDEA

Kinatigan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang Senate resolution na humihiling na parehong tanggapin bilang ebidensya sa korte ang K9s detection at ang swabbing ng drug samples.

Ayon sa PDEA, makakatulong ang panukala sa pagsusulong ng airtight cases sa korte sa mga paglabag sa Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Kaugnay pa rin ito sa nadiskubre na dalawang magnetic lifters na naipuslit sa Manila International Container Port na hinihinalang naglalaman ng P2.4 billion na shabu.

Nakasaad sa Senate Resolution No. 888 na isinusulong ni Sen. Manny Pacquiao na dapat maglabas ang Supreme Court ng Rules of Procedure para sa presentation at admission ng resulta ng pagkaamoy ng K9s, at ng swabbing ng drug samples bilang competent evidence sa drug cases.

Pinasalamatan ng PDEA si Sen. Pacquiao dahil mas mapapalalakas na ngayon ang prosekusyon ng mga nasa likod ng naipuslit na droga.  | ulat ni Rey Ferrer