Senate President Pimentel: Bago maisabatas ang isang national ID scheme mahalagang maayos muna ang pambansang cyber security plan

Binigyang-diin ni Senate President Koko Pimentel ang pangangailangan  para sa isang mahigpit, epektibo at komprehensibong ‘cyber security policy’ sa gitna ng pag-apruba ng Senado sa pangalawang pagbasa ng panukalang batas na naglalayong maipatupad ang national ID system sa Pilipinas.

Para kay Pimentel, mahalaga para sa epektibong implementasyon ng isang national ID system ang pagkakaroon ng kaakibat na cyber security policy para sa depensa at pagseguro sa integridad ng government online information at maging sa online data ng mga pribadong mamamayan.

Punto ng Senate President, kapag ang data ay nakompromiso, magkakaroon tayo ng mga problema sa ID system, sapagkat ang mga sensitibong impormasyon ay nakalagak online.

Kaugnay nito, nanawagan si Pimentel sa PNP, DND, DOJ, DICT, DOST at iba pang kinauukulang ahensya na alamin muna una, ano ang pambansang polisiya ukol sa cyber security at pangalawa, kung may mga gamit at teknolohiya na magsisiguro na ang kinakailangang polisiya ay naipatutupad.

Para kay Pimentel, bago maisabatas ang isang national ID scheme, mahalagang maisaayos muna ang isang pambansang cyber security plan. | via Jojo Ismael