Senate Environment Committee tigil muna sa imbestigasyon sa Boracay issues

Wala munang pagdinig ang Senate Committee on Environment ukol sa anomalya at pang-aabuso sa Boracay Island.

Ayon kay Senadora Cynthia Villar na chairman ng komite, hahayaan muna nilang umarangkada ang rehabilitasyon ng isla.

Abala rin naman umano sa Boracay ang mga opisyal ng pamahalaan pati na ang mga stakeholders doon kaya hindi muna sila gagambala.

Punong abala sa Boracay rehabilitation ang Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Tourism (DOT).

Tiniyak naman ni Villar na nakabantay ang environment committee at itutuloy pa rin ang pagbusisi sa sitwasyon sa isla.

Sinusuri rin umano ng mga senador ang master plan para sa Boracay dahil nakita nila na hindi detalyado.

Noong Marso, nagdaos ng pagdinig ang Senate Environment Committee doon mismo sa Boracay kung saan tinukoy na ang mga local official at ang mga opisyal din ng DENR ang nagpabaya o nagpahintulot sa operasyon ng mga negosyo na walang business permit, walang environmental clearance certificate at itinayo sa wetlands.

Samantala ay inendorso ni Villar ang deklarasyon ng state of calamity sa Boracay dahil magpapabilis ito ng pagpapalabas ng pondo para sa isla. | via Jojo Ismael