Senate Committee on Trade, bumuo ng TWG para sa pag-regulate ng parking feesĀ 

Sinisimulan na ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship ang pagsasapinal ng detalye ng panukalang batas na naglalayong protektahan ang mga konsumer mula sa hindi makatwirang paniningil ng parking fees.

Sa ngayon, ay bumuo na ng technical working group (TWG) ang komite para pag-aralang mabuti ang Senate Bill 745 o ang Parking Fees Regulation Act ni Senador Sherwin Gatchalian.

Sa ilalim nito, pinapanukalang ipako ang singil ng parking fee sa anumang establisyimento sa P40 sa unang walong oras at dagdag na P10 sa kada susunod na oras, habang ang overnight parking fee naman ay P100 kada sasakyan.

Iminumungkahi rin nitong huwag nang pagbayarin ng parking fee ang mga customer na bumili ng hindi bababa sa P1,000 halaga ng produkto o serbisyo. Gayunpaman, dapat ay hindi hihigit sa tatlong oras ang paggamit nila ng parking space.

Layon rin ng panukalang ito na papanagutin ang mga may-ari ng establisyimento kapag nawala o nasira ang sasakyan ng kanilang customer habang naka-park doon ang kanilang sasakyan.

Giit ni Gatchalian, nais niyang ibalik sa mga parking lot owner ang responsibilidad at pananagutan sa sasakyan ng kanilang mga customer.