Senate committee hearing sa panukalang Dept of Overseas Filipinos, natapos na

Tinapos na ng Senate Labor Committee ang pagtalakay nito sa panukalang bumuo ng Department of Overseas Filipinos (DOFil). 

Kasabay ng pagbubuo ng isang technical working group para ayusin ang detalye ng committee report ng panukala, sinabi ni Committee Chair Senador Joel Villanueva na dapat ang mabubuong ahensya ay tutugon sa mga kasalukuyan at hinaharap na pangangailangan ng ating mga kababayan sa ibang bansa. 

Kabilang sa mga isyung kailangang tugunan sa committee report ay ang kwestiyon ni Senador Imee Marcos tungkol sa pananatili ng istruktura ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kahit pa mabuo ang DOFil at ang pinunto ni Senador Nancy Binay na posibleng mapabagal ng bagong ahensya ang pagtulong sa distressed overseas Filipino workers (OFWs). 

Partikular na tinukoy ni Binay ang access ng ating mga ambassador sa pondo ng Assistance to Nationals (ATN) program dahil kapag nabuo na aniya ang DOFil ay malilipat na dito ang pangangasiwa sa pondo na kasalukuyang hawak ng Department of Foreign Affairs (DFA). 

Tiniyak naman ni Villanueva na pagsisikapan nilang mabuti ang bubuuing committee report at hindi aniya nila basta-bastang ipapasa ang panukalang DOFil dahil lang sinertipikahan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang isang urgent bill.