Senate Blue Ribbon Committee report sa isyu ng ninja cops, ilalabas na bukas

Inaasahang mabigat ang nilalaman ng ilalabas na committee report ni Senador Richard Gordon patungkol sa isyu ng ninja cops o mga pulis na nagrerecycle ng ilegal na drogang nasasabat nila sa mga operasyon.

Ayon kay Senate Blue Ribbon Committee Chairperson Gordon, nakatanggap na siya ng go-signal mula kina Senate President Vicente Sotto III at Senador Panfilo Lacson, na isapubliko ang nilalaman ng committee report.

Sa ngayon aniya, ay isinasapinal na lamang nila ang huling bersyon ng report at bukas ng tanghali ay inasahang ibabahagi na sa publiko at sa mga miyembro ng media ang mga nakasaad dito.

Matatandaang una nang sinabi ni Gordon, na posibleng isa sa mga isama nila sa naturang committee report ay ang pagrerekomendang mapanagot si dating PNP Chief General Oscar Albayalde sa naturang kontrobersiya.