Senate Blue Ribbon Committee, napatunayan na totoong may umiiral na “tara” system sa BOC

Napatunayan ng Blue Ribbon Committee na totoo ang expose ni Senador Ping Lacson na may umiiral nga na tara system sa Bureau of Customs (BOC).

Pero ayon kay Committee Chairperson Senador Richard Gordon, sa ilang pagdinig na kanilang isinagawa ay walang lumabas na matibay na ebidensya at wala ding lumutang na testigo na magdidiin sa mga personalidad na isinasangkot dito.

Pangunahin sa inaakusahan si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon at iba pang dati at kasalukuyang opisyal ng ahensya.

Sa pagdinig ay ilang beses ding itinanggi ni Faeldon at iba pang sangkot na nakinabang sila sa tara o suhol para makalabas nang walang aberya ang mga kontrabado sa Bureau of Customs.

Ang pagdinig ukol sa tara system ay nag-ugat sa privilege speech ni Senador Lacson na nagdetalye sa mga grupo at personalidad na nakikinabang sa tara system, kung saan binanggit din niya ang pagtanggap umano ni Faeldon ng P200M sa simula pa lang ng pag-upo niya bilang pinuno ng ahensya. | via Jojo Ismael