Senate Blue Ribbon Committee, inirekomenda ang paghahain ng kaso laban kay dating Pangulong Aquino at iba pang dating opisyal ng gobyerno kaugnay ng Dengvaxia scam

Tuwiran nang inirekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee ang paghahain ng kaukulang kaso laban kay dating Pangulong Noynoy Aquino at iba pang dating opisyal ng gobyerno, para sa lahat ng trahedya, pagkasira at posibleng pagkamatay mula sa Dengvaxia mass vaccination program.

Ang rekomendasyon ng komite ay nakapaloob sa dalawampung pahinang draft report na iprinisinta ngayon ni Senador Richard Gordon sa lingguhang media forum sa Senado, na dinaluhan ng mga mamahayag na nagko-cover sa mataas na kapulungan.

Sa naturang draft report, tuwirang  tinukoy sina Aquino, dating health Secretary Janette Garin, dating Budget Secretary Butch Abad at iba pang opisyal bilang mga pangunahing nagsabwatan, at dapat lang na masampahan ng kaukulang kaso para sa lahat ng trahedya, pagkasira at posibleng pagkamatay mula sa Dengvaxia mass vaccination program.

Nabanggit sa draft report, na sina Aquino, Garin, Abad at iba pang opisyal ay nararapat ding makasuhan para sa paglabag  ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, at laban kay Dr. Julius Lecciones ng Philippine Children’s Medical Center.

Tinukoy din sa report na minadali ng gobyerno ang pagbili ng nasabing dengvaxia, na inaprubahan ni Aquino sa pamamagitan nina Abad, Garin at iba pang opisyal, sa kabila ng pagtutol ng ilang eksperto. | via Jojo Ismael