Senador Trillanes, ididiretso sa PNP Custodial Center kapag ipaaaresto

Ididiretso si Senador Antonio Trillanes sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa oras na ito ay ipaaresto, maliban na lang kung ipag-utos ng korte na sa ibang lugar makulong ang senador.

Ito ang inihayag ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde, sa isang press conference sa Camp Crame ngayong hapon.

Ayon sa PNP chief, ipatutupad ng PNP ang normal na proseso sa oras na ilabas ng Makati RTC Branch 148 ang desisyon nito sa kasong coup d’état na kinakaharap ng senador.

Karaniwan na aniya ang presensya ng PNP sa lugar kung saan naroon ang korte na nagpapatupad ng arrest order.

Pero aniya pinasama lang niya ang Hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at District Director sa Makati Police station operatives nitong nakaraang paghahain ng arrest warrant sa senador, para tumulong sa koordinasyon sa liderato ng Senado.

Sa ngayon aniya ay nakaabang lang ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para sa kung anuman ang maging aksyon ng korte sa kaso ni Trillanes sa mga susunod na araw.

Tiniyak pa ng PNP Chief, na maayos ang magiging kulungan ni Trillanes sa custodial center, pero hindi ito bibigyan ng special treatment. | ulat ni Leo Sarne