Sen. Gatchalian, umapela sa DOE na puspusan ng tugunan ang pagnipis ng suplay ng kuryente

Nanawagan si Senate Committee on Energy Chairman Senador Sherwin Gatchalian sa Department of Energy (DOE) na puspusan nang tugunan ang problema sa pagnipis ng suplay ng kuryente sa susunod na mga araw.

Ayon kay Gatchalian, base sa mga nakikita niyang forecast ay magkakaroon ng problema sa energy supply lalo na sa susunod na walong araw.

Giit ng senador, kritikal ang sitwasyon at problemang ito lalo na para sa COVID-19 vaccination program ng pamahalaan.

Binigay nitong halimbawa ang naranasang brownout ng dalawang vaccination center sa Valenzuela city nitong Martes, Hunyo 3.

Aniya, dahil sa kawalan ng kuryente tumagal ng halos dalawang oras ang turn-around time para sa pagbabakuna sa isang pasyente dahil kinailangan nilang gawing manual ang registration imbes na computerized.

Marami rin aniyang mga senior citizen at iba pang naka schedule na mabakunahan ang nag back out dahil hindi kinaya ang sobrang init at haba ng pila.

Binigyang diin ng mambabatas na hindi maaaring magpatuloy ang ganitong sitwasyon lalo pa’t inaasahan na ring dadating sa bansa sa susunod na mga araw ang maraming COVID-19 vaccine supply.