Senador Sherwin Gatchalian, hinikayat ang DOE na pakiusapan ang malalaking planta na i-delay ang kanilang maintenance schedule

Minumungkahi ni Senate Committee on Energy Chairman Senador Sherwin Gatchalian sa Department of Energy (DOE) na kausapin ang ilang malalaking planta na ipagpaliban na muna ang kanilang maintenance hanggang sa ikalawang linggo ng Agosto.

Ito ay upang pansamantalang matugunan aniya ang banta ng mga brownout o pansamantalang pagkawala ng serbisyo ng kuryente sa Luzon simula sa linggong ito hanggang sa unang linggo ng Agosto dahil sa pagnipis ng suplay ng kuryente.

Una na kasing lumabas sa hearing ng kumite ni Gatchalian na magkakasabay sabay ang preventive maintenance shutdown ng mga planta ng kuryente sa mga susunod na araw kaya magkakaroon ng yellow at red alert sa power supply ng Luzon grid.

Bukod sa pakikiusap sa mga planta na i-delay ang maintenance schedule, sinabi pa ng senador na maaari ring agahan ang pagpasok ng isang malaking bagong planta o yung Dinginin, na naka-schedule pumasok sa katapusan pa ng Hulyo.

Isa naman sa mga binanggit ng mambabatas na kailangang tugunan ng ahensya upang magkaroon ng pangmatagalang solusyon ang paulit-ulit aniyang problema natin sa kuryente ay ang magkaroon ng batas para sa bidding ng mga kontra ng mga plantang magbibigay ng reserbang kuryente sa bansa.

Ang nangyayari kasi aniya ngayong sistema ay direktang nakikipag-negosasyon ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa mga reserba ng walang bidding gayong marami aniyang generator, na mas mababa ang presyo, na gustong pumasok pero walang pagkakataon.

Gayunpaman, aminado ang senador na matatagalan pa ang prosesong ito kaya mga short-term solutions na muna ang minungkahi niyang gawin na agad ng DOE.