Pagpuksa sa smuggling upang maseguro na may pondo ang gobyerno para sa ibat-ibang development projects, napapanahon

Para kay Senador Richard Gordon, napapanahon ang seryosong pagpuksa sa smuggling sa bansa upang maseguro na may pondo ang gobyerno para sa ibat-ibang development projects nito at matutugunan din ang mga pangangailangan ng bansa.

Ayon kay Gordon, Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, lampas sa P423-billion ang nalugi sa gobyerno mula 2012 hanggang 2016 mula sa mga hindi nakolektang buwis at VAT sa importasyon mula China.

Isinisi ni Gordon ang kawalan na ito sa pagluluwag sa importasyon mula China, na umano’y kadalasan ay nauuwi sa technical smuggling nang dahil sa misdeclaration o undervaluation.

Ani Gordon, kung nakukolekta nang tama ang taripang dapat na ibinabayad para sa Chinese importation, sapat na ito para masolusyonan ang ilang problema ng bansa tulad ng kakulangan sa mga silid-aralan at sa pagpapalakas sa kakayahan ng ating Hukbong Sandatahan at iba pa.

Aniya, sa pamamagitan lamang ng halagang P423 bilyong piso, wala na tayong puproblemahing shortage sa silid-aralan kung saan ito’y nasa 113,995 classrooms sa buong kapuluan.

Maari rin umanong magamit ang makukolektang buwis mula sa Chinese importation para sa pagbili ng 23 frigates o mga barkong pandigma sa halagang P18 bilyon bawat barko, o kaya’y 81 F-35A fighter jet sa halagang P5.2 bilyong piso bawat isa, o kaya’y para sa “Build, Build, Build” program ng gobyerno. | via Jojo Ismael