Senador Gatchalian, suportado ang pagsasa-ilalim ng NFA Council sa Office of the President

Suportado ni Senador Win Gatchalian ang paglalagay ng NFA Council sa ilalim ng Office of the President.

Para kay Senador Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, tama lang na ang NFA Council ay nasa ilalim ng Office of the President para mabantayan ang pagbili ng gobyerno ng bigas.

Punto ni Gatchalian, ang isa sa pinakasensitibong operasyon ng NFA ay ang pagbili ng bigas kung saan sangkot dito ang napakalaking halaga ng pondo kaya kailangan talaga umano mabantayan ito ng maigi.

Ani Gatchalian, sa pagbili ng NFA ng bigas, mahalaga dito ang forecasting upang hindi bili nang bili dahil masisira rin. Kaya dapat umanong accurate ang forecast upang hindi sumusobra at hindi rin nagkukulang.

Paliwanag ng senador, ang bigas ay ang pangunahing pagkain ng mga Pilipino, mayaman man o mahirap parehong kumakain ng kanin, at ito aniya ang dahilan kung bakit nilikha ang NFA para protektahan ang ating mga magsasaka at siguraduhin na may bigas na mabibili sa merkado sa mas murang halaga. | via Jojo Ismael