Senador Gatchalian, nanawagan sa DepEd na tiyaking natututukan lahat ng mag-aaral

Pinaalalahanan ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na tulungan ang mga estudyante na nahihirapan at apektado ang pag-aaral ng ipinapatupad na enhanced community quarantine.
Ayon kay Gatchalian, ito ang mga estudyanteng walang access sa internet at learning tablets sa gitna ng ipinapatupad ngayong online at distant learning ng mga paaralan at unibersidad.
Kaya naman giit ng Senador, dapat tiyakin ng DepEd na walang estudyanteng maiiwan at lahat ay makapagpapatuloy ng kanilang pag-aaral.
Dapat aniyang bigyang pansin ng ahensya ang nasa higit pitong libong ‘last mile schools’ o mga paaralang nasa isolated, disadvantaged at conflict-affected areas.
Binigyang diin rin nito ang pangangailangan ng nasa anim na daang libong estudyante ng Alternative Learning System (ALS).
Sinabi rin ni Gatchalian na oras na matanggal na ang enhanced community quarantine sa Luzon ay dapat nang tiyakin ng Department of information and Communications Technology (DICT) na pabilisin na ang pagpapatupad ng paglalagay ng internet access sa mga pampublikong lugar alinsunod na rin sa nakasaad sa Republic Act 10929 o ang Free Internet Access in Public Spaces Act.