Senador Angara, nanawagan sa Kamara para ipasa na ang kanilang bersyon ng Expanded Maternity Leave Bill

Muling iginiit ni Senador Sonny Angara ang pagpasa ng Expanded Maternity Leave Bill kung saan layunin nitong mapalawig ang bilang ng may bayad na araw sa maternity leave mula sa kasalukuyang 60 tungo sa 120 araw.

Punto ni Angara, isa sa mga may-akda ng Senate Bill 1305 o ang Expanded Maternity Leave Bill, ang mas mahabang panahon ng maternity leave ay magbibigay ng libreng panahon para sa mga nanay na eksklusibong mapasuso ang kanilang mga sanggol na sisiguro sa mabuting nutrisyon para sa mga bata.

Ang panukalang hakbangin ay aprubado na sa ikatlo at panghuling pagbasa sa Senado noon pang Marso ng nakaraang taon subalit ang counterpart bill nito na House Bill No. 4113 ay nakatengga pa rin para sa ikalawang pagbasa sa komite ng Kamara.

Tinukoy ni Angara na ayon sa 2013 World Health Organization (WHO) report, ipinakikita na ang Pilipinas ay may 34 porsyento na breastfeeding rate lang para sa mga sanggol na mas mababa pa sa anim na buwang gulang.

Base naman sa 2015 nutritional status ng mga Pilipino, isa sa bawat tatlong batang Pilipino na may edad na limang taon at pababa ay apektado ng mabagal na paglaki o ang kanilang taas ay mabababa para sa kanilang mga edad. | ulat ni Jojo Ismael