Senador Angara, buo ang suporta sa plano ng Pangulong Duterte na bigyan ng umento ang mga public school teacher

Buo ang suporta ni Senador Sonny Angara sa plano ng Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng umento ang suweldo ng mga public school teacher.

Ang tinutukoy ni Angara ay ang pangako ng Pangulong Duterte sa kanyang pagsasalita noong Biyernes sa Davao City na itataas ang suweldo ng mga public school teacher.

Ani Angara, buong-buo ang kanyang suporta sa plano ng Pangulo at idiniin na ang mga guro sa pampublikong paaralan ay ang may pinakamababang suweldo kung ikukumpara sa dami ng kanilang trabaho at gampanin sa lipunan.

Una nang naihain ni Angara ang Senate Bill 135 na naglalayong mapataas ang minimum salary grade ng mga guro mula salary grade 11 tungo sa 19 kung saan madodoble ang antas ng kanilang kasalukuyang buwanang base pay mula P20,000 tungo sa P42,000.

Punto ng mambabatas na ang umento sa suweldo ay ang aakit sa mga kwalipikado at competent educators na magturo sa public schools.

Tinukoy ni Angara na ang mababang pasahod sa mga guro ay isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit hindi umano bumubuti ang kakayahan ng mga guro sa pagtuturo. | via Jojo Ismael