Senado, sinimulan na ang pagtatrabaho nang double-time matapos matanggap ang certification ng BBL bilang urgent bill

Agad na sinimulan kagabi ng Senado ang pagtatrabaho nang double time makaraan na matanggap ang sertipikasyon ng MalacaƱang na urgent bill ang panukalang Bangsamoro Basic law o BBL.

Ayon kay Senate President Tito Sotto, dahil sa sinertipikahan nang urgent ang panukalang BBL, sila’y nagsimula nang magtrabaho nang double time para maihabol nilang maipasa ang hakbangin hanggang ngayong araw bago ang sine die adjournment.

Anang Senate president, paplantsahin ang pagkakaiba ng bersyon ng Senado at Kamara sa bicameral conference committee na isasagawa habang naka-recess ang session.

Dagdag pa ni Sotto, target nilang maratipikahan ang panukalang BBL sa pagbubukas ng session sa July 23 bago ang State of the Nation Address o SONA ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Una rito, sinertipikahang urgent ng Pangulong Duterte ang Senate Bill No. 1717 at ang House Bill No 6475 bilang manipestasyon ng gobyerno na tugunan ang kakaibang pangangailangan ng mga tao sa Bangsamoro at ng lahat ng komunidad at constituents ng Mindanao tungo sa isang patas at pangmatagalang kapayapaan sa katimugang rehiyon ng bansa at sa buong Pilipinas sa pangkalahatan.

Inaasahang lalagdaan ng Pangulong Duterte ang BBL kapag napag-isa na ng Senado at Kamara ang kanilang mga bersyon ng BBL sa bicameral conference committee habang naka-adjourn ang Kongreso. | via Jojo Ismael