Senado, seryosong pinag-aaralan ang pagpasa ng isang panukalang batas para mapalakas ang local natural gas industry

Bilang paghahanda sa inaasahang pagtatapos ng Malampaya Gas-to-Power Project, seryosong pinag-aaralan ngayon sa Senado ang pagpasa ng isang lehislasyon para sa pagpapayabong ng local natural gas industry.

Paliwanag ni Senador Win Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Energy, ang Malampaya project ay ang kasalukuyang nagsu-suplay ng panggatong sa limang natural gas plants na may kapasidad na 3,211 megawatt. 21.33 percent nito ay para sa Luzon Grid na kumakatawan sa halos 15 porsyento ng kapasidad ng buong Pilipinas.

Ang Malampaya franchise ay nakatakdang magtapos sa 2024.

Ani Gatchalian, ang natural gas ay napakahalaga para sa energy mix ng bansa kung kaya’t ngayon pa lang ay kailangan nang simulan ang pagkilos para makabuo ng ipapalit sa natural gas.

Kapag nabigo tayo dito, ito’y magreresulta umano sa hindi matatag na energy supply para sa buong Luzon o magkakaroon ng madalas na mga pag-brownout.

Kaugnay nito, sinimulan na ng committee ni Gatchalian ang pagdinig sa Senate Bill No. 765 o ang panukalang Downstream Natural Gas Industry Development Act na akda ni Senador Chiz Escudero at nakatuon sa transmission, distribution at commercial supply ng natural gas.

Sinabi ni Gatchalian na kanilang sisikapin sa komite na mapalawak pa ang coverage ng Escudero bill upang maisama dito ang patungkol sa liquefied natural gas at iba pa. | ulat ni Jojo Ismael

(Photo courtesy of Shell Global)