Senado, pinagtibay ang rekomendasyon ng Blue Ribbon Committee na kasuhan sina dating BI Associate Comm. Robles at Argosino

Pinagtibay na ng buong Senado ang rekomendasyon ng Blue Ribbon Committee na kasuhan sina dating Bureau of Immigration (BI) Associate Commissioners Michael Robles at Al Argosino.

Ito ay kaugnay ng alegasyon na tumanggap umano sina Robles at Argosino ng 50-milyong piso mula sa gambling tycoon at casino operator sa Clark Field, Pampanga na si Jack Lam.

Lumabas sa imbestigasyon ng komite na pinamumunuan ni Senator Richard Gordon, na ang pera ay tinanggap umano ng dalawang opisyal mula sa retiradong pulis na si Wally Sombero na sya umanong middleman ni Jack Lam.

Ang nasabing salapi ay suhol umano, para pakawalan ang 1,316 na Chinese nationals na inaresto dahil sa ilegal na pagtatrabaho sa casino ni Lam.

Kasong plunder at katiwalian ang nirekomenda ng komite na isampa kina Robles at Argosino, habang bribery naman laban kina Sombero at dating Immigration intelligence Chief Charles Calima, na umano’y nakihati sa bribe money.

Bukod dito ay nanawagan din si Gordon sa Office of the Ombudsman na agad magsagawa ng sariling imbestigasyon, para mapanagot ang mga sangkot sa nabanggit na katiwalian. | via Jojo Ismael