Senado, pinag-aaralan ang posibleng paggamit ng Malampaya fund para mabawasan ang bill sa kuryente ng mga konsumer

Pinag-aaralan ng Senate Committee on Energy ang posibilidad ng paggamit ng 204 bilyong pisong Malampaya fund para mabawasan ang universal charge na binabayaran ng mga konsumer sa kanilang buwanang singil sa kuryente.

Noong nakaraang linggo sinimulan na ng komite na pinamumunuan ni Sen. Win Gatchalian ang pagtalakay sa akdang Senate Bill No. 94 ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na nagpapanukala ng paglalaan ng net national government share mula sa Malampaya Natural Gas Project para sa bayad  ng stranded contract cost at stranded debts ng National Power Corporation (NAPOCOR)

Sa ilalim ng umiiral na EPIRA Law o ang RA 9136, ang mga konsumer ang bumabalikat sa nasabing bayarin na isinasama sa komputasyon ng kanilang binabayarang buwanang electricity bill.

Ayon sa data na iprinisinta ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM), kapag inaplay ang natitirang 204 bilyong pisong Malampaya fund, maiiwasan ang pagtaas ng 84 centavos per kilowatt hour sa retail power rate at makatitipid ang bawat kabahayan na gumagamit ng may average na 200 kWh kada buwan ng lampas sa dalawang libong piso kada taon sa kanilang binabayarang kuryente. | ulat ni Jojo Ismael