Senado, niratipikahan na ang Bicameral Conference Comm. report sa ALS bill

Niratipikahn na ng Senado ang Bicameral Conference Committe report, na layong i-institutionalize ang Alternative Learning System (ALS).

Nagpasalamat naman si Senate Basic Education Committee Chairperson Senator Sherwin Gatchalian, sa pagkakaratipika sa naturang panukala na aniya ay isang hakbang upang matulungan ang mga out-of-school youth, at mga nakakatanda na makapagtapos ng pag-aaral.

Ayon kay Gatchalian, kung tuluyang maisasabatas ang panukalang ito ay masisiguro natin ang pangalawang pagkakataon sa mga Pilipinong nais na makakuha ng de-kalidad na edukasyon, makakuha ng disenteng trabaho, at mapaunlad ang kanilang kabuhayan.

Makakatulong rin aniya ang ALS para sa ‘build back better’ efforts ng sektor ng edukasyon, mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Sa kasalukuyan, ang ALS ay isang programa sa ilalim ng Department of Education (DepEd), na layong bigyan ng libreng edukasyon ang mga mamamayang hindi makapasok sa mga paaralan, dahil sa kawalan ng kakayahan na magbayad ng tuition o dahil sa malalayo at liblib na lugar sila naninirahan.

Kabilang sa mga benepisyaryo nito ang persons with disabilities (PWD) o mga may kapansanan, indigenous peoples, children in conflict with the law, mga persons deprived of liberty, mga migrant worker, at iba pang mga nangangailangang sektor ng lipunan.

Matapos maratipikahan ng Senado at Kamara ang naturang panukala, ay isusumite na ito kay Pangulong Rodrigo Duterte upang mapirmahan bilang isang ganap na batas.