Senado, nagsagawa ng pagdinig sa pagpapasara sa 55 Lumad schools sa Davao region

Nagsagawa ang senado ng pagdinig tungkol sa pagpapasara ng limamput limang Lumad schools sa Davao region.

Sa naturang pagdinig, sinabi ni National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Chief Allen Capuyan, na taong 1992 sinimulan ang mga Salugpungan school na kalauna’y ginamit na front ng New People’s Army (NPA) para maka-recruit ng mga miyembro lalo na ng mga kabataan.

Maliban pa dito, pinapalabas aniya ng NPA na tumutulong sila sa mga katutubong tribo para makakuha ng tulong pinansyal mula sa ibang bansa, pero ang katotohanan ay hindi pagbabasa at pagsusulat ang itinuturo dito kundi ang pakikipagdigma.

Sinuportahan naman ng mga dating estudyante at guro ng Salugpungan schools na humarap sa pagdinig ang mga pahayag na ito.

Ayon kay Datu Awing Apuga, dating estudyante ng Salugpungan schools, pitong taong gulang pa lamang siya ng turuang humawak ng baril at kalaunan ay naging guro na rin siya kahit walang college degree.

Sinabi naman ni Bae Ilagan, isa pang dating estudyante ng Salugpungan, na matapos nilang isailalim sa training ay naging ganap siyang miyembro ng NPA nang siya ay 13 taong gulang pa lamang at isinabak na sa pakikipagbakbakan.

Sa ngayon, ayon kay Department of Education (DepEd) Undersecretary Nepo Malaluan, malapit nang matapos ang imbestigasyon ng regional director ng Region 11 tungkol sa mga alegasyong ito, at base sa magiging resulta ay saka pa lamang pagdedesisyunan kung ipagpapatuloy na ang operasyon ng mga Lumad school na ito.