Senado, nagpasa ng resolusyon bilang pakikiramay sa pagpanaw ni dating DENR Sec. Gina Lopez

Nagpasa ng resolusyon ang Senado na nagpapahatid ng pakikiramay sa pagpanaw ni dating DENR Secretary Gina Lopez.

Sa sesyon ngayong hapon, inaprubahan ng mga senador ang Senate Resolution no. 100, bilang pagkilala sa kontribusyon ni Lopez sa pagprotekta sa kalikasan at sa kapakanan ng mga kabataan.

Nagsilbi bilang co-author at co-sponsor ng naturang resolusyon ang lahat ng mga senador.

Matapos maaprubahan ay padadalhan ng kopya ng naturang resolusyon ang pamilya ng pumanaw na dating kalihim.

Taong 2016 nang italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Lopez bilang kalihim ng DENR.

Gayunpaman, Mayo taong 2017 ay natapos ang kanyang panunungkulan sa ahensya matapos hindi makalusot sa Commission on Appointments (CA) sa botong 16-8.