Senado, magsasagawa ng sariling imbestigasyon sa umano’y di pagkakabigay ng ‘P60M subsistence allowance’ para sa mga miyembro ng PNP-SAF

Magsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang Senado sa misteryosong di-pagkakabigay sa mga tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) ng may animnapung (60)-milyong piso na karagdagang subsistence allowance ng mga ito.

Sa pamamagitan ng Senate Resolution 712 na inihain ni Senador Panfilo “Ping” Lacson, inatasan ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na kanyang pinamumunuan na imbestigahan ang nabanggit na anomalya.

Ayon kay Lacson, kung totoong hindi naibigay sa mga tauhan ng SAF ang nabanggit na halaga, isa itong malaking dagok sa buwis-buhay na pagsiserbisyo nila sa bayan.

Ipinunto ng mambabatas na sa ilalim ng mga umiiral na alituntunin, bawat isa sa apat na libong (4,000)  tauhan ng SAF ay makakatanggap ng karagdagang tatlumpung pisong (P30) daily subsistence allowance, na kung susumahin ay papatak ng siyam na daang piso (P900) kada buwan.

Pero batay sa mga lumalabas na record, hanggang Hulyo lamang ng taong 2017 nakatanggap ng naturang benipisyo ang mga tauhan ng SAF sa hindi malamang kadahilanan.

Una na ring umamin ang pamunuan ng SAF na ginamit umano ang pondo sa ibang bagay na pinagkagastusan ng nabanggit na grupo.

Bukod sa imbestigasyon, layon din ni Lacson na gumawa ng mga panukala na magbibigay ng proteksiyon sa mga pondong nakalaan bilang benepisyo sa mga tauhan ng SAF bukod pa sa parusang ipapataw sa opisyales na lalabag sa mga ito. | via Jojo Ismael