Senado, magsasagawa ng necrological service para kay dating Sen. Rene Espina bukas

Nakatakdang magsagawa ng isang necrological service ang Senado para sa namayapang dating Senador Rene Espina bukas.

Alas-10:00 ng umaga bukas dadalhin sa Senado ang mga labi ng dating senador.
Sa sesyon kaninang hapon, ipinasa ng mga senador ang Senate Resolution 135 upang magpahayag ng simpatiya at pakikiramay sa pamilya Espina.
Nakatakdang ipresenta ang naturang resolusyon sa pamilya Espina bukas sa gagawing necrological service.
Sa kanyang sponsorship speech, kinilala ni Senate President Tito Sotto ang pagiging dating senador, gobernador, Cabinet secretary, administrator, abogado at kolumnista ni Espina.
Bilang senador, sinabi ni Sotto na si Espina ang gumawa ng unang anti-drug law, ang Dangerous Drugs Act of 1972.
Kilala rin ito bilang pinakabatang na-appoint na administrator at vice chairman ng Social Security System at siyang nagpakilala ng unang computer system sa gobyerno.
Bukas inaasahang magbibigay ng eulogy sina Sotto, Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senador Richard Gordon, Senador Imee Marcos at mga dating Senador Juan Ponce Enrile at Francisco Tatad.
Matapos nito ay magkakaroon ng public viewing para sa pumanaw na senador.
Nitong Biyernes pumanaw si Espina dahil sa kumplikasyon sa atay sa edad na 89.