Senado, magsasagawa ng kaukulang pagsisiyasat sa gastusin ng gobyerno sa ‘Build, Build, Build’ infrastructure program

Nais ni Senador Win Gatchalian na masiyasat ang status, katatagan at posibleng panganib na maaaring kaharapin ng mga proyekto sa ilalim ng ‘Build, Build, Build’ infrastructure program ng Duterte administration.

Sa kanyang inihaing Senate Resolution No. 759, nais ni Gatchalian na mahigpit ang gawing pagmu-monitor sa paggastos at paggamit ng inutang ng gobyerno para sa ‘Build, Build, Build’ infrastructure program.

Paliwanag ng senador na chairman ng Senate Economic Affairs Committee, 40 sa may 75 naaprubahang infrastructure projects simula ng Hulyo 2017 ay popondohan sa pamamagitan ng Official Development Assistance o ang ODA sa halagang isang trilyong piso.

Ani Gatchalian, ang utang ng gobyerno nitong Disyembre 2017 ay umabot na sa P6.65 trilyong piso, habang nasa P329 na bilyong piso ang nailaan para sa debt servicing sa ilalim ng 2018 General Appropriations Act.

Diin ng mambabatas, katungkulan nilang mga senador na seguruhin na ang public funds ay nagagamit nang maayos at para sa tamang mga proyekto.

Ang ‘Build, Build, Build’ ay isang flagship infrastructure program ng administrasyong Duterte na inaasahang mangangailangan ng may walo hanggang siyam na trilyong pisong mula 2017 hanggang 2011. | ulat ni Jojo Ismael