Senado, isinusulong ang paglikha ng isang hiwalay na departamento na tutuon sa OFWs

Naniniwala si Sen. Joel Villanueva na kailangan nang matugunan ang pangangailangan ng lumalaking bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa pamamagitan ng paglikha ng isang hiwalay na department na nakatuon lamang sa kanilang pangangailangan at kapakanan.

Sa pagdinig ng kanyang pinamumunuang Senate Committee on Labor, Employment and Human Resource Development ukol sa Senate Bill No. 146  o ang panukalang batas na nagsusulong ng paglikha ng Department of Migration and Development o DMD, binigyang-diin ni Sen. Villanueva ang pagkadismaya ng mga OFWs sa umano’y mabagal at kulang-kulang na suporta at tulong ng mga ahensya ng gobyerno para sa kanila.

Para kay Villanueva, napapanahon ang paglikha ng isang Department of Migration and Development upang matugunan ang pangangailangan para sa mas mahusay na koordinasyon ng lahat ng mga tanggapan na nagta-trabaho para sa mga OFW sa pamamagitan ng pagsasanib sa mga ito sa iisang bubungan  at tutuldukan  na ang nakasanayang pagtuturuan pagdating sa pangangailangan ng mga OFW.

Sa pagdinig, sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Sarah Lou Arriola na ang isa sa mga pangunahing hamon ng ating mga embahada ay ang kakulangan sa manpower, kung saan may iisang personnel lamang ang naka-deploy para sa bawat 27,000 OFW sa Asia-Pacific habang ang ratio sa gitnang silangan at Africa ay isang personnel para sa 35,000 OFWs.   | ulat ni Jojo Ismael