Senado, ire-rebyu ang infra at iba pang programa na nakapagrehistro ng mababang obligation rate

Tahasang sinabi ni Senador Loren Legarda na hindi lamang bubusisiin ng kanyang pinamumunuang Committee on Finance ang bawat detalye ng panukalang P3.757 trillion national budget para sa susunod na taon, kundi kanila ring titignan ang pagiging episyente ng mga ahensya, lalo na ang mga may programang pang-imprastraktura na nakapagrehistro ng mababang obligation o disbursement rate sa buong taon.

Ayon kay Legarda, ang panukalang 2019 National Budget ay isa nang cash-based budget bilang paraan ng pagsiguro ng episyenteng pag-gastos ng public funds at implementasyon ng mga proyekto.

Dagdag ni Legarda, habang kanilang sinusuri ang bawat detalye ng panukalang budget ng mga ahensya, magpapatupad din ang committee ng malakas na oversight at kanilang ire-rebyu kung papaano ginamit ang 2018 budget at kung ano ang kanilang mga nagawa o hindi nagawa.

Ayon kay Legarda, ang ilan sa mga programa ng gobyerno na nakapagrehistro ng mababang obligasyon at disbursement rate para sa buong taon ay ang Health Facilities Enhancement Program sa ilalim ng Department of Health, ang Farm-to-Market Roads projects sa ilalim ng Department of Agriculture, at ang  Basic Educational Facilities Fund sa ilalim ng Department of Education.

Bunsod nito, binawasan na ng Department of Budget and Management  ang mga ilalaang pondo para sa mga nabanggit na mga proyekto para sa 2019.  | ulat ni Jojo Ismael