Senado, inaprubahan ang resolusyon na kumikilala sa katapangan, sakripisyo at kabayanihan ng mga sundalo at pulis na nagtanggol at pinanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Marawi City

Pinagtibay ng Senado ang isang resolusyon na kumikilala sa katapangan, sakripisyo at kabayanihan ng mga kalalakihan at kababaihang sundalo at pulis na nagtanggol at pinanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Marawi City.

Sa Senate Resolution No. 746 na pangunahing akda nina Senador Richard Gordon at Senate Majority Leader Migz Zubiri, sinasabi na tama lang na maalala ang mga matatapang na sundalo para sa kanilang kabayanihan sa pagpigil sa mga ekstremistang  nagtangkang kubkubin ang lungsod ng Marawi.

Noong Mayo 23, 2017, nagkasagupa  at nagbakbakan ang mga miyembro ng Islamic State-inspired Maute group at ang pwersa ng gobyerno makaraan na magtaas ng isang itim na bandila na may logo ng ISIS ang Maute group sa harap ng Amai Pakpak Hospital sa Marawi City.

Ang insidente sa Marawi ang siyang pangunahing dahilan na nagtulak sa Pangulong Duterte na ilagay ang buong Mindanao sa ilalim ng Martial law sa pamamagitan ng Proclamation No. 216.

Sinabi sa resolusyon na ang digmaan ay hindi karaniwan sapagkat ito ang unang urban warfare na sumiklab sa bansa kung saan kinailangang itatag ang isang pinagsanib na pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang Philippine National Police (PNP) at ang Philippine Coast Guard (PCG) sa ilalim ng command ng isang joint task force.

Nabanggit din sa resolusyon na ang sakripisyo  ng mga nasawing sundalo at pulis sa kanilang pagtupad sa tungkulin na ipagtanggol at protektahan ang bansa mula sa mga terorista ay di dapat makalimutan at karapat-dapat na parangalan. | ulat ni Jojo Ismael