Senado, hiniling sa DOLE at POEA na magsumite ng report sa training ng domestic helpers bago ang kanilang deployment sa abroad

Nais ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development na magsumite ang Department of Labor and Employment (DOLE) at ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ng report patungkol sa kinakailangang training bago i-deploy ang ating mga domestic helper patungong abroad.

Ayon kay Senador Joel Villanueva, chairman ng komite, nais nilang malaman kung nasusunod ang requirement na kailangang dumaan sa tamang training ang ating mga overseas Filipino domestic helpers bago sila payagang mangibang bansa para magtrabaho.

Ginawa ng komite ni Villanueva ang kahilingan makaraan na ianunsyo ng Palasyo ang partial lifting ng deployment ban ng mga overseas Filipino workers (OFWs) papuntang Kuwait kasunod ng pagpirma ng isang memorandum of understanding (MOU) na magkakaloob ng karagdagang proteksyon para sa mga manggagawang Pilipino sa Kuwait.

Ani Villanueva, mahalaga umanong madetermina kung ang mga recruitment agency ay tumatalima at sumusunod sa naturang requirement at kung ilan sa ating mga kababayan na nangingibang bansa ang nabigyan ng kaukulang sertipikasyon mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) bago ang kanilang deployment.

Paliwanag ng mambabatas na napaka-importante rin malaman kung anu-ano ang mga problemang nakita habang sumasailalim sa pagsasanay ang mga papaalis na domestic workers.

Ayon naman sa Palasyo, magkakaroon ng  mandatory training para sa mga prospective overseas domestic helper na gagastusan ng mga recruiters. | via Jojo Ismael