Senado, di na naipasa ang P1.16B Dengvaxia supplemental budget bago nag-sine die adjournment ngayong umaga

Nang dahil sa walang korum, hindi na naipasa ng Senado ang panukalang 1.16 bilyong pisong supplemental budget para sa pangangailangang medikal ng mga nabigyan ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia.

Matapos na maipasa kaninang ala-una ng madaling araw ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL), karamihan sa mga pagod nang senador ay umuwi na para magpahinga kung kaya’t nawalan na ng korum sa plenaryo at hindi na naaksyunan ang nakatakdang pag-apruba sa Dengvaxia supplemental budget.

Gayunpaman, igigiit pa sana ni Senator Loren Legarda nang kanyang basahin ang kanyang naihandang sponsorship speech ng naturang panukalang hakbangin subalit hindi na rin niya nagawa ito dahil nag-adjourn na rin ang sesyon at wala na ring mga kasamahang senador ang makikinig sa kanyang talumpati.

Ayon kay Legarda, nang dahil sa hindi naaprubahan ang supplemental budget, maghihintay muna ang mga nabakunahan ng Dengvaxia ng panibagong dalawang buwan bago sila mabigyan ng tulong pinansyal para sa kanilang pagpapagamot at pagpapa-ospital.

Ang Kongreso ay naka-sine die adjournment na simula bukas at magbabalik-sesyon Hulyo 23. | ulat ni Jojo Ismael