Senado, bumoto pabor sa pagsasapubliko ng pangalan ng mga ‘ninja cops’ na sangkot sa pagre-recycle ng iligal na droga

Sa botong 17-0, pinayagan ng Senado ang Senate Blue Ribbon at Justice Committee na isapubliko ang pangalan ng mga ‘ninja cops’ na diumano’y sangkot sa pagre-recycle ng iligal na droga.

Matatandaang ang listahan ng mga ninja cops na ito ay isiniwalat ni dating Philippine National Police (PNP) Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief Benjamin Magalong sa isang executive session sa huling pagdinig ng Senado tungkol sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) anomaly.

Nabuksan ang naturang isyu matapos maghain ng mosyon si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na maisapubliko ang naturang listahan.

Paliwanag ni Dela Rosa na ginawa niya ito matapos lumabas ang mga haka-hakang isa si PNP Chief General Oscar Albayalde sa mga ‘ninja cops’ na ito.

Ayon sa senador, nais lang niyang maging patas kay Albayalde at mahayaan itong makapagpaliwanag.

Sa ilalim ng Senate rules, kailangan ng two-thirds (2/3) vote ng Senado o boto ng hindi bababa sa 16 na senador upang maaksyunan ang mosyon ni Dela Rosa.

Pansamantala pang itinigil ang sesyon matapos ihain ni Dela Rosa ang masyon upang makumpleto ang kailangang bilang ng senador.

Sa resulta ng botohan, lahat ng 17 senador na present sa sesyon ay bumoto pabor dito.

Ibig sabihin, maaaring magdesisyon ang Senate Blue Ribbon Committee kung papayagan ba nilang maisapubliko ang naturang listahan ng mga pangalan ng ‘ninja cops’.

Sa susunod na Martes, October 1, ipagpapatuloy ng Senate Blue Ribbon at Justice Committee ang pagdinig tungkol sa GCTA at iba pang isyu sa Bureau of Corrections (BuCor).