Sen. Zubiri sa mga ahensya ng gobyerno: Solusyunan na agad ang problema sa ASF

Nababahala si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri sa paglaganap ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.

Nakakapanlumo aniya, ang nalulugi sa ating mga hog raiser lalo na ang mga backyard grower.

Dahil dito nanawagan si Zubiri sa Department of Agriculture (DA), Bureau of Customs (BOC), National Meat Inspection Service (NMIS), airport officials at iba pang ahensya ng gobyerno, na kumilos na upang mapigilan ang paglaganap ng ASF.

Giit ng senador, Marso pa lamang ng taong ito ay binalaan na niya ang DA at iba pang opisyal ng gobyerno, na dapat nang magpatupad ng total ban sa mga baboy na nanggagaling sa ibang bansa.

Sa pagdinig rin aniya noong Marso tungkol sa ASF, ay nagkasundo na ang DA, ibang government agencies at hog industry leaders, na paigtingin ang pagbabantay upang hindi makapasok ang naturang virus sa bansa.

Giit ni Zubiri, mahalagang maisalba ang ating hog industry lalo’t ito ang pang-anim sa pinakamalaking swine industry sa buong mundo.