Sen. Zubiri, minungkahi ang pagpapagawa ng mala-Alcatraz na kulungan para sa heinous crime convicts

Nais ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na magkaroon ng isang hiwalay at mala-Alcatraz na kulungan para sa mga nahatulang makulong dahil sa heinous crimes.

Ang Alcatraz ay isang mabatong isla sa San Francisco Bay sa California, USA, na ginamit noon para paglagyan ng isang military at federal prison facility.

Ayon kay Zubiri, nararapat lang na ilagay sa isang hiwalay na isla na malayo sa kanilang biktima at komunidad ang mga high-risk criminal na ito.

Bukod sa pagiging ligtas ng komunidad mula sa mga kriminal, paraan rin aniya ito para mapagdusahan nila ang kanilang kasalanan.

Sa ilalim ng Senate Bill 1004 na inihain ng senador, pinapanukala ang Heinous Crimes Penitentiary na pangangasiwaan ng Bureau of Corrections (BuCor).

Ipapatayo ang mga pasilidad na ito sa ilang rehiyong tutukuyin ng secretary ng Department of Justice (DOJ).

Isang taon matapos maitayo ang mga pasilidad na ito, ay saka ililipat ang mga heinous crime convict mula sa National Bilibid Prison at ibang bilangguan ng BuCor patungo sa HCP facilities.

Sakaling maipatupad, tataasan ang capital outlay budget ng DOJ para sa pagpapatayo ng Heinous Crime penitentiary.