Sen. Zubiri, itinutulak ang paglikha ng isang trust fund mula sa nakukolektang travel tax

Itinutulak ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang paglikha ng isang trust fund mula sa nakukolektang travel tax sa airport at sa mga seaport upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga pasahero sa hinaharap na Airmaggedons o pagkaka-stranded ng maraming pasahero.

Ayon kay Zubiri, ang mga nai-stranded na pasahero sa panahon ng emergency tulad ng nangyari sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nung August 16 kung kailan sumasadsad sa runway ang Xiamen Airlines, ay kailangan bigyan ng pagkain, matutulugan at allowance na pera para sa emergency na pangangailangan.

Sinabi ni Zubiri na ang kanyang hakbangin ay hindi na bago kung saan maaari umanong gayahin ang template na gamit ng Changi Airport kung saan may sleeping quarters sa loob mismo ng airport para sa mga nai-stranded na mga pasahero lalo na ang mga galing pa sa malalayong probinsya o lugar.

Ang travel tax na kinukolekta mula sa mga pasahero ay dapat ding magamit para sa mga pasahero sa panahon ng pangangailangan, diin ng mambabatas.

Ipinanukala ni Zubiri na maamiyendahan ang pakay at paggamit ng naturang travel tax na ngayon ay inililipat sa TIEZA, sa pamamagitan ng pagtatabi at paglalaan ng bahagi ng nasabing travel tax para sa pangangailangan ng mga pasahero sa panahon ng emergency.  | ulat ni Jojo Ismael