Sen. Villar, pinakamayamang senador

Inilabas na ng Senado ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng mga senador ngayong 18th Congress.

Base dito, si Senator Cynthia Villar pa rin ang lumalabas na pinakamayaman sa dalawampu’t apat na mga senador, na may net worth na ₱3.534 billion. Mas mababa ito kumpara sa kanyang 2018 net worth na ₱3.7 billion.

Sumusunod pa rin si Senator Manny Pacquiao na may ₱3.005 billion  net worth, sunod si Senator Ralph Recto, ₱555 million; Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na may ₱182 million at Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr,  na may ₱164 million.

Pinakamahirap na senador naman si Senator Leila de Lima na may net worth na ₱7.7 million at sumunod sa kanya bilang ikalawang pinakamahirap na senador si Senador Christopher ‘Bong’ Go na may net worth na ₱15.5 million.

Samantala, sa iba pang mga bagong senador, pumwesto sa pang-labing apat na pinakamayamang senador si Senator Francis Tolentino sa net worth na ₱62 million; pang-labing pito si Senator Imee Marcos sa ₱29.9 million at si Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ay pang labing siyam sa net worth na ₱28 million.

Makikita ang buong listahan ng SALN ng mga senador sa website ng Senado na senate.gov.ph.