Sen. Villar, hinimok ang pamahalaan na simulan na ang pamamahagi ng coco levy fund

Nanawagan si Senator Cynthia Villar sa pamahalaan na simulan na ang pagpapatupad ng Coconut Farmers and Industry Fund Act (Coco levy fund) kahit hindi pa kumpleto ang listahan ng mga benepisyaryo. 

Matatandaang ngayong araw, June 11, ang deadline ng registration para sa mga magsasakang nais maging benepisyaryo nito. 

Una na ring pinanawagan ng ilang senador na palawigin pa ang deadline hanggang sa Setyembre o magpatupad ng continuing registration. 

Sa naging pagdinig ng Senado, ibinahagi ni Philippine Coconut Authority (PCA) Administrator Benjamin Madrigal Jr. na 2.8 million na sa target na 3.5 million farmer-beneficiaries ang nakapagparehistro na sa naturang programa. 

Mungkahi ni Villar, dahil nakamit na rin ang higit 50 percent na target ay dapat nang simulan ang pamamahagi ng coco levy fund. 

Sa pamamagitan aniya nito ay mahihikayat na rin ang iba pang farmer-beneficiaries na magparehistro upang magkaroon ng karapatan sa mga benepisyong itinatakda ng coco levy fund law.