Sen. Villanueva, umapela para sa pagsasa-prayoridad ng isang panukalang batas na naglalayong mapalakas ang pagpapatupad ng Occupational Safety and Health Standards

Nanawagan si Senador Joel Villanueva para sa pagsasaprayoridad ng Senate Bill No.1317 o ang panukalang batas na naglalayong mapalakas ang pagpapatupad ng Occupational Safety and Health Standards.

Ayon kay Senador Villanueva, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources, wala umanong umiiral na batas, na nagpaparusa o nagpapataw ng multa para sa paglabag sa Occupational Safety and Health Standards.

Sa ngayon, ang siste aniya ay iniisyuhan na lamang ng DOLE ng work stoppage order ang isang kumpanya o establisimyento kapag may paglabag o kaya’y nakitang may naka-ambang panganib sa lugar ng pinagtatrabahuhan.

Sa Senate Bill No. 1317, pagmumultahin ng hanggang P100,000 ang employer para sa bawat araw ng hindi pagwawasto ng paglabag nito sa Occupational Safety and Health Standards.

Ang panukala ay naipasa na ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa nung Pebrero ngayong taon, at ito’y naipadala na sa Kamara para sa kahalintulad na pag-apruba.

Paliwanag ni Villanueva, ang pagsasawalang-bahala ng pagtalima sa Occupational Safety and Health Standards, ay hindi lamang magdudulot ng napakalaking panganib para sa mga manggagawa, kundi ito’y magdudulot din ng hindi magandang karanasan para sa ibang tao at maari rin magpahinto sa operasyon ng mga apektadong negosyo. | via Jojo Ismael