Sen. Villanueva, umaasang maipapatupad na ang Doktor Para sa Bayan law bago magsimula ang bagong academic year

Nanawagan si Senator Joel Villanueva sa gobyerno, na bilisan na ang pagpapatupad ng Doktor para sa Bayan law o Republic Act 11509, na naging isang ganap na batas noong December ng nakaraang taon.

Giit ng senator na siyang tumatayong principal sponsor nito sa senado, sa tulong nito ay mas mahihikayat at dadami ang mga Pilipinong mag-aaral ng medisina, at magiging future physicians ng Pilipinas. 

Isa aniya ito sa pinakamahalaga sanang maging bahagi ng serbisyo publiko lalo na sa panahon ng pandemya.

Sa pamamagitan rin aniya ng return service program na nakapaloob sa batas, ay matitiyak na ang pagkakaroon ng serbisyong medikal sa mga malalayo at liblib na lugar sa bansa.

Umaasa si Villanueva, na matatapos na ang implementing rules and regulations (IRR) ng batas bago magsimula ang panibagong academic year sa mga susunod na buwan.