Sen. Villanueva, suportado ang gagawing pag-aaral ng BSP, AMLC sa POGO industry

Suportado ni Senador Joel Villanueva ang utos ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magsagawa ng pag-aaral tungkol sa online gaming industry sa bansa.

Ikinatuwa ni Villanueva, chairman ng Senate Committee on Labor ang hakbang na ito lalo’t maliit lang naman aniya ang benepisyo ng bansa sa POGO at ang mga dayuhan ang pangunahing nakikinabang dito.

Nanindigan ang senador na hindi ito nakakagawa ng trabaho sa mga Pilipino at pinapataas pa nito ang property prices sa bansa na nakakaapekto naman sa mga negosyo ng mga Pinoy at sa ating mangaggawa.

Bukod sa kakarampot na kita ng pamahalaan mula sa POGO industry, nakakaimbita rin aniya ng mga iligal na transaksyon ang POGO gaya ng money laundering at iba pang krimen.

Kung hindi aniya kikilos ang gobyerno ay malaki ang posibilidad na mabansagan tayong money laundering hotspot.

Matatandaang may inihain nang resolusyon si Villanueva upang maimbestigahan sa Senado ang operasyon ng POGO sa bansa.

At sa pagdinig na ito, iimbitahan aniya ng senador ang BSP at AMLC upang ipresenta ang resulta ng kanilang pag-aaral.